Gumawa ng "misteryo" ang isang pambihirang white golden retriever sa Zamboanga City nang makita ng kaniyang amo sa loob ng kanilang bahay ang isang parcel na inihatid ng delivery rider gayung wala namang tumanggap ng produkto.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, ikinuwento ni Cyrell Jones Sidlao, na tinanong niya kaniyang ina kung sino ang tumanggap ng parcel, at sumagot naman ito na hindi niya rin alam.

Kaya naman sinuri ni Sidlao ang kuha ng CCTV camera at doon niya nadiskubre ang kakaibang talento ng kaniyang aso na si "Rocky," na isang-taong-gulang.

Si Rocky pala ang kumuha ng parcel na iniabot ng rider mula sa gate. Kinagat ng aso ang parcel at maingat na dinala sa loob ng bahay.

Namangha rin ni Sidlao kung papaano maingat na kinukuha ni Rocky ang parcel dahil kilala niya ang kakulitan nito at kung minsan ay naninira ng gamit.

"Careful na careful siya sa pagkuha ng parcel, "ani Sidlao. "Kapag na-drop, kinukuha niya tapos kailangan talaga pumasok sa bibig niya. Tapos sa loob naman ng bahay, inilalagay niyang lang sa dog house parang ganun."

Ang sinasabing dog house ni Rocky ay isang corner sa kanilang bahay kung saan iniiwan ng aso ang kinukuha niyang parcel.

Mula nang malaman ni Sidlao ang talento ni Rocky, hinahayaan na nila ang aso ang tumanggap ng parcel. Kung minsan, hindi raw makapaniwala ang delivery rider kapag bago lang, kapag sinasabi nilang ibigay na lang sa aso ang ihahatid na produkto kung walang tao sa bahay.

Ang ibang rider na sanay na, alam na kung sino tatanggap ang kanilang delivery.

Kaya naman kapag umuuwi si Sidlao, tinitingnan na lang niya ang puwesto ni Rocky kung may delivery o wala. -- FRJ, GMA Integrated News