Bukod sa magagandang tanawin at pasyalan, hindi rin magpapatalo ang lalawigan ng Marinduque sa masasarap na pagkain na sa kanila lang makikita. Gaya ng kanilang kare-kare na kulay itim na parang dinuguan.

Sa programang "i-Juander," ipinagmamalaki ni Simon Yosef, na taga-Marinduque, ang ganda ng kanilang lugar, at kabaitan ng kaniyang mga kababayan.

"Higit sa lahat, ang mga pagkain na dito mo lang matitikman," saad ni Simon.

Kabilang sa mga pagkain na ito ang kanilang kare-kare na kakaiba ang kulay. Sa halip na kasi na kulay orange, ang kanilang kare-kare, itim ang kulay na mukhang dinuguan.

Mayroon ding puso ng saging ang kanilang kare-kare.

Si Aling Lydia Roxas na may karinderya sa pamilihang bayan ng Torrijos, hindi nawawala sa kaniyang mga tindang ulam ang kare-kareng itim.

Ayon kay Aling Lydia, mabenta sa kanila ang kare-kare na paborito ng mga taga-Marinduque.

Si Simon, hindi raw pinapalampas ang pagkain ng kare-kare sa tuwing nagagawi sa tindahan ni Aling Lydia.

Bagaman kare-kare ang tawag nila sa naturang putahe, sinabi ni Aling Lydia para din itong version nila ng dinuguan.

Nilalagyan nila ito ng puso ng saging para maging espesyal at masustansiya.

Papaano naman kaya niluluto ang kare-kare ng Marinduque at ano ang mga sangkap? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "i-Juander." -- FRJ, Integrated News