Nakatakdang bumiyahe papuntang Amerika ang Pambansang Bae na si Alden Richards para sa selebrasyon ng "Fiesta Ko Sa Texas" na gaganapin sa Agosto 13.

Nang makapanayam ng showbiz press nitong Miyerkules, sinabi ni Alden na excited siya sa naturang event at ito rin ang unang pagkakataon na makapupunta siya sa Texas.

"First time ko pong makakapunta to see our fellow Kapuso doon. Looking forward po ako, marami po tayong gagawin na ikaliligaya ng mga Kapuso natin," ayon sa aktor.

Bukod sa meet-and-greet, haharanahin din ni Alden ang mga kababayan na dadalo sa "Fiesta Ko Sa Texas."

"Excited akong ma-meet 'yung mga AlDub nation sa Texas," dagdag ni Alden.

Ang "Fiesta Ko Sa Texas" ay gaganapin sa Bayou City Event Center, Houston sa Agosto 13, kung saan ipagdiwang ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga performances na tampok ang produkto at talento ng mga Pilipino.

Magiging co-partner ang GMA Pinoy TV at Dish ng AZ Media Entertainment Services sa pagdaraos ng naturang event. -- FRJ, GMA News