Inihayag ni Jaya kung gaano kahigpit si Janno Gibbs sa studio bilang producer upang maging maganda ang kalalabasan ng ginagawa nilang awitin.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, sumang-ayon si Jaya sa sinabi ni Tito Boy na isa si Janno sa pinakamagagaling na mang-aawit sa bansa.
“'Di ba? Ang suwerte ko, nagkaroon kami ng ‘Ikaw Lamang,’ ‘Kung Kailangan Mo Ako,’” saad ni Jaya.
Nang ginagawa nila ang awiting “Ikaw Lamang,” ibinahagi ni Jaya kung gaano kametikuloso si Janno sa paggawa ng kanta.
“Para po malaman ninyo gaano ka-estrikto si Janno as a producer, ‘yung ‘Ikaw Lamang,’ note for note, turo niya. At ‘pag hindi ko nagawa ‘yun, take again,” saad ni Jaya. “Kasi ano siya, very strict. Gusto niya may sarili siyang sound na naririnig.”
Naaalala rin ni Jaya ang eksaktong mga tagubilin ni Janno sa kaniya.
“‘Pag mali ako, inuulit ko. Kasi naaalala ko ‘yung turo niya sa akin. ‘No. Wrong. Again.’ Very strict. But once you get what he wants, at nag-perform na kayo, ‘yun na ‘yon,” patuloy niya.
Nakatakdang magtanghal si Jaya sa “Jaya All Hits” concert sa September 14 sa New Frontier Theater. — mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News
