Pinabulaanan nina Aira Bermudez at Jopay Paguia ang maling akala umano ng ilan na kapag dancer na ay 'wild,' o malandi o maharot.

“Actually, sa mga naririnig namin, lalo na sa mga magulang or mga matatanda, kapag dancer, 'yan 'yung tingin sa amin na ‘malandi ‘yan, maharot ‘yan.’ Sorry sa word, ‘pokpok’ ‘yan,” sabi ng Sexbomb dancer member na si Jopay ang maging guest sila ni Aira sa vodcast na “Your Honor.”

“Siyempre, para sa amin na maaayos naman, na parang, grabe naman, nilahat niyo naman,” pagpapatuloy niya.

Si Aira naman, nakarinig ng ilang komento na “wild” daw kapag sinabing dancer.

Kaya ayon kay Jopay, posibleng may ilan na tinototoo na lang ang mga naririnig na maling hinala sa kanila.

Ayon kay Aira, may ganung karanasan na rin siya noong magsimula siyang magsayaw sa murang edad para makatulong sa pamilya.

“Kasi siyempre, hindi naman kami laking mayaman. So, ako mismo, nagtrabaho ako bata pa lang ako. 'Yung dance contest, 'yung kinikita namin, pinakakain ko 'yan sa mga pamilya ko,” ani Aira. “Kaso, ‘pag nakikita ako ng mga kapitbahay namin, siyempre, hindi ka pa sikat noon. ‘Uy ang landi-landi,’ inumaga ‘yan.”

Kaya naman si Aira, isinama ang kaniyang ina sa pagsasayaw para makita nito ang kaniyang ginagawa at mapawi rin hinala dahil sa mga pinagsasabi ng ilan nilang kapitbahay.

Iyon nga lang, nadadamay ang kaniyang ina sa puyatan at kung minsan ay nakakasaksi pa silang kaguluhan.

“Tsaka matindi, nakakaawa lang. Kasi ‘di ba minsan sa mga contest, merong mga bugbugan. Riot. Kakatakot. Hinahabol kami ng mama ko,” natatawang pag-alala ni Aira.

“So, parang para lang ma-clear 'yung thinking ng tao sa amin. Hindi po kami naglalandi. Siyempre, kailangan mong kumayod para may pangkain ka o maitawid 'yung gutom mo,” depensa pa ni Aira.

“Saka, parang hindi naman lahat nagsasabi. Meron lang ilan,” ani Aira.

Si Jopay, hindi rin nakaiwas sa mga panghuhusga.

“Yes, lalo na kapag merong, kunwari, 'yung mga kasama mo, puro lalaki. ‘Ay hala, jowa niya ‘yan,. Na-judge ka na agad. O, minsan gano'n talaga na parang, ang hirap lang noon sa mundo ng mananayaw. Kasi, parang gusto mo lang naman ipakita 'yung talent mo. Pero, na-judge ka nila,” niya.

Ngunit nag-iba na raw ang pananaw sa kanila nang sumikat na sila bilang Sexbomb dancers.

“Noong naging part ako ng Sexbomb, 'yung buong barangay namin, naging proud nila. Proud na proud. Araw-araw gusto nila nandu’n ako,” ani Aira. “Concerned sila kasi, siyempre, parang pamilya kami du’n eh.”

Nakatakdang ganapin ang reunion ng Sexbomb sa Disyembre 4 sa Smart Araneta Coliseum.

Nagpahiwatig naman si Rochelle Pangilinan ng posibleng dalawang araw na concert matapos ma-soldout ang tickets para sa nakatakdang unang araw ng kanilang pagtatanghal. – FRJ GMA Integrated News