Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong si Sanya Lopez sa kaniyang saloobin kaugnay sa mga natatanggap na pagpuna o bashing sa social media.
“Simula naman kasi na nagsimula po talaga ako dito sa industry na ito, parang ‘yun na ‘yung pa-welcome sakin eh, ‘yung mga bashers. Lagi na, simula umpisa. Parang sa akin po, nasanay na ako doon, and hindi ako masyadong nagpapaapekto. Bukod sa sanay na nga po ako, alam ko na wala naman din akong masamang ginawa,” sabi ni Sanya.
Para kay Sanya, mas dapat pang pagtuunan ng pansin ang mga kasalukuyang hinaharap ng ating bansa.
“Sa dami ng nangyayari sa atin ngayon, sa dami ng problema natin ngayon, especially here now in the Philippines, parang itong mga nangyayari sa akin, mababaw lang ito kumpara sa pinaka nagiging problema natin talaga,” ayon sa aktres.
Gayunman, umiiwas din daw si Sanya sa social media kung minsan.
“Sometimes, ‘di ako nag-social media, Tito Boy. Nasa sa‘yo rin kung paano mo gagamitin eh. Meron mga apps now na meron ako, nili-limit ‘yung time ko na mag-social media,” paliwanag niya.
Kasalukuyang bumibida si Sanya at nagbabalik bilang si Danaya as “Encantadia Chronicles: Sang’gre."
Bahagi rin siya ng upcoming "Kapuso Mo Jessica Soho: Gabi ng Lagim” kasama sina Jillian Ward, Miguel Tanfelix at marami pang iba. Mapanonood ito sa mga sinehan sa Nobyembre 26. – FRJ GMA Integrated News
