Inihayag ni Sofia Trazona na isa sa kaniyang “darkest days” ang pagpasok niya noon sa drag, dahil itinago niya ang pagtutol noon ng kaniyang inang si Izzy tungkol dito.
“One of my darkest days, honestly Tito Boy. First po, kasi lagi po ako nagla-lie sa interview noon na sinusuportahan niya po 'yung drag ko, because I know na 'yung mga fans po ng Sexbomb mostly is from the queer community,” sabi ni Sofia sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“So, ‘pag nalaman po nila na hindi po sinusuportahan ni mama 'yung pagda-drag ko, baka mag-iba po 'yung tingin nila kay mama, and ayoko po mangyayari 'yun,” paliwanag pa niya.
Hanggang sa napag-usapan na nina Sofia at Izzy ang tungkol sa kaniyang pagiging drag artist.
“Yes, napag-usapan po namin din 'yung pagda-drag ko. Pinakita ko pa rin po sa kaniya 'yung workplace ko, ito 'yung ginagawa ko, ganu'n. Then, nai-explain ko na rin po sa kaniya na I'm living responsibly well, wala naman po ako tinatapakang tao,” ani Sofia.
Ayon kay Sofia, ibinigay din ni Izzy ang tiwala nito sa kaniya sa kaniyang tinatahak sa buhay.
“Ayun, basta ‘I trust you’ ganu'n, lagi po siyang ganu'n,” dagdag niya.
Dahil sa pagiging drag artist niya, sinabi ni Sofia na naging “rocky” ang relasyon nilang mag-ina.
“Like all relationships po, siyempre naging rocky din po 'yung relationship namin [because of getting into drag]. Wala naman pong perfect na relationship, pero ngayon, we're trying to be in a good place na, and we're both in a good place na with our relationship,” pagbabahagi niya.
Sa kabila naman ng lahat, ayon pa kay Sofia, “Lagi po namin nire-reaffirm 'yung love namin sa isa't isa.”
Pero aminado rin si Sofia na hindi siya sigurado kung lubos na sinusuportahan ng kaniyang ina pagiging drag artist.
Itinago ng ina
Kinumpirma rin ni Sofia na itinago siya ni Izzy noong kasagsagan ng Sexbomb noong 2002.
“Kasi po may contract po 'yung Sexbomb before na bawal pong mag-anak, bawal pong mabuntis, ganiyan. So she kept it a secret. Pero nu’ng lumalaki na po ako, dinadala niya na ako sa Eat Bulaga,” kuwento niya.
Ngayon, naiintindihan na ni Sofia kung bakit ito ginawa ng ina, at wala siyang tampo.
Inihayag din ni Sofia na “hurting” pa rin siya ngayong maugong pa rin ang isyu tungkol sa kanila ng stepdad niyang si Alvin Aragon, asawa ng kaniyang ina.
“Of course, to be honest, Tito Boy, siyempre, I'm hurting talaga, honestly. Pero, at the same time, I'm trying to be strong, I'm trying to find peace in everything na nangyayari. And, siyempre, gusto ko din na mag-find peace din 'yung parents ko. That's why gusto ko na 'yung mga nasasabi ko din online, peaceful lang,” sabi niya.
Inilahad ni Sofia na sa tuwing dumadaan sa mga pagsubok, kumakapit siya sa kaniyang support system, kabilang na rito ang kaniyang mga pamilya at kaibigan, at ang kaniyang ama.
Para pa kay Sofia, nasa gitna ang Diyos sa lahat ng mga nangyayari sa kaniyang buhay.
“Even ako, talagang pinagpe-pray ko rin lahat ng mga nangyayari, na sana matapos na 'yung issue, sana maging okay na din 'yung lahat, para happy na ulit,” saad niya. – FRJ GMA Integrated News
