Mula sa dating timbang 118 kilos, nasa 78 kilos na lang si Papa Dudut na isa sa mga radio host sa Barangay LS 97.1. Mayroon nga ba siyang sakit kaya bumaba ang kaniyang timbang? Alamin ang kaniyang paliwanag.
Sa kaniyang nakaraang guesting sa "Kay Susan Tayo Vlogs" ni Susan Enriquez, batid ni Papa Dudut na maraming netizens na naghinala na mayroon siyang sakit kaya siya pumayat.
"Nag-viral din ‘yan, ang daming tsinitsismis na may nakikita kami na, 'Ah si Papa Dudut kaya pumayat 'yan kasi may cancer 'yan,' 'Nagda-dialysis 'yan si Papa Dudut kaya ganiyan namayat,'" kuwento ng radio host.
"So para lang po sa kaalaman po ninyo, ngayon lang po ako magpapaliwanag sa programa po ninyo na Kay Susan Tayo vlog na opo, mali po kayo," natatawa niyang sabi.
Ayon kay Papa Dudut, wala siyang sakit. Pumayat umano siya dahil sa ginagawa niyang diet para sa kaniyang mga anak.
"Wala po akong sakit. Nag-diet po ako kasi 'pag nakikita ko 'yung mga anak ko na dalawang- taong-gulang pa lang, ang iniisip ko I need to help myself to prolong my life," paliwanag niya.
"Imagine kung hindi ko aalagaan ng sarili ko ate Susan, sino mag-aalaga sa mga anak ko? Baka baldado na ako, 10-taong-gulang pa lang sila," dagdag niya.
Mula sa kaniyang pagdidiyeta, proud na sinabi ni Papa Dudut na halos 40 kilos ang nabawas sa kaniya.
"From 118 kilos na hindi ko po kinakayang sabihin, ako po ay 78 kilos na lang as of today. So 39 kilos po, tama ba yung Mathematics ko? Ang aking na-loss 40 to 39 kilos," saad niya.
Pero payo niya, huwag basta-basta mag-diet at makabubuti kung kukonsulta muna sa doktor.
"Ginawa ko po ay nagpunta po ako sa isang doktor. Nagpasuri po ako physically, tiningnan ang aking dugo, tiningnan ang aking katayuan, kung ano ang kaya ng katawan ko at nag-guide po ako ng tamang pagkain," ani Papa Dudut.
Sumailalim si Papa Dudut sa slow carb diet na walang kanin, na angkop sa kaniyang katawan.
"So umaga, dalawang itlog, kape. Boiled po 'yung egg ko. Kailangan may kape kasi ang kape daw nakakabilis ng metabolism. Black coffee no sugar sa tanghali, steamed na isda na may mga gulay, ganiyan na lang po ang kinakain ko," paliwanag niya.—FRJ GMA News
