Marami ang nakapansin sa guwapong dayuhan na kasama ni Glaiza de Castro sa isang event na napag-alaman na isang surfer. In a relationship nga ba ngayon ang Kapuso star? Alamin.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, nalaman na David Rainy ang pangalan ng dayuhan, na isang surfing instructor sa Ireland.

Nagkilala raw ang dalawa noong Enero sa Siargao nang magtungo doon si Glaiza. At mula noon, lagi na raw bumabalik sa Pilipinas ang dayuhan, hindi lang para mag-surfing kung hindi para makita at makasama rin ang aktres.

Pero paglilinaw ni Glaiza, hindi pa sila magkarelasyon ni David, na inilarawan niyang mabait.

"Masaya ako nakikita niya 'yung mga pinaggagagawa ko. Minsan, tinatanong ko siya na sigurado ka ba, sasama ka? Pero masaya ko na nag-e-enjoy siya at nag-e-enjoy din naman ako," sabi ng aktres

Patuloy niya,"Tingnan pa rin natin kasi wala pa rin naman kaming final na kung ano man 'yung iniisip ng iba na ok, porke kasama ko or ano, nandiyan ngayon, basta ngayon bumibisita siya, nagbabakasyon at nag-e-enjoy.

Sa pagpunta ni Glaiza sa London para maghanap ng eskwelahan para sa gusto niyang kursong music production, makakasama pa rin niya sa David dahil mayroon umano itong kapatid doon.

"May mga sister siya do'n, so, I think plano niya na mag-stay din do'n for a while to visit his sisters. Tapos, 'yun, baka mag-hangout kami at tulungan niya rin ako du'n sa mga ibang school," saad niya.

Nilinaw din ng aktres na walang kaugnayan ang maigsi niyang buhok ngayon sa pagdating ni David sa kaniyang buhay.

"Honestly, sira na talaga 'yung buhok ko. Kasi after nu'ng 'Contessa,' iba na talaga 'yung texture niya, tapos, iniisip ko talaga na magpagupit na after," natatawa niyang paliwanag.-- FRJ, GMA News