Sa unang pagkakataon, itinanghal ang isang Pinay na Asia's Next Top Model - si Maureen Wroblewitz.
Gulat at naiiyak pa si Maureen nang ianunsyong siya ang nanalo sa nabanggit na reality show sa Singapore.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago nitong Huwebes, natira sina Maureen, Shikin Gomez ng Malaysia at Minh Tu Nguyen ng Vietnam mula sa 14 kalahok mula sa iba't-ibang bansa sa Asya.
Hindi inaasahan ni Maureen ang panalo. "I wasn't expecting. I was just hoping for it because I was feeling like little intimidated by Tu and Shikin because they are like much taller and much more experienced. So I was like, maybe it's not my year," aniya.
Bagama't mas matangkad ang mga nakalaban, hindi nagpadaig si Maureen sa iba't-ibang modeling challenge.
"Actually like, I've been wanting to model for a long time, so I always pose in front of the mirror. I will always check photo shoots like magazines and I was like, copy their poses," aniya.
Inihayag ni Maureen ang kanyang mga plano ngayong siya na ang may hawak ng titulo ng Asia's Next Top Model.
"I really wanna focus on my modeling career now but if there is really good opportunity, I might pursue acting also because I also have a passion for acting," aniya.
Kabilang sa premyo ni Maureen ang isang brand new car at ang pagtatampok sa kanya sa cover ng isang sikat na fashion magazine sa singapore.
May pagkakataon din siyang mapabilang sa mga model sa ilalim ng Storm Model Management, isang kilalang international model agency sa Europe. —Jamil Santos/JST, GMA News
