Sa paghupa ng tensyon sa Guam, nakahinga raw nang maluwag si Kapuso actor Benjamin Alves dahil sa kaligtasan ng kaniyang pamilya na naninirahan doon.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," inamin ni Ben na sobra siyang nag-alala para sa pamilya matapos magbanta ang North Korea ng missile launch sa Guam.

"Every night, nagte-text ako sa mommy at daddy ko. In the morning, I also make sure that I text because 'yun nga eh, nagising ako to that news. I didn't want to wake-up to the news na may nangyari," anang aktor.

Nagpapasalamat si Benjamin sa paghupa ng tensyon matapos hindi ituloy ng North Korea ang banta nitong pag-atake sa Guam na teritoryo ng US.

Samantala, sa nalalapit na pagtatapos ng "I Heart Davao," ipinangako ni Benjamin na sobrang matutuwa ang mga manonood sa magiging ending ng istorya.

Sentimental daw si Benjamin dahil nag-enjoy siya sa paggawa ng serye.

Sa pagtatapos ng show, pagtutuunan naman daw ng pansin ni Benjamin ang pagpapabuti ng kaniyang kakayahan sa pag-arte.

"There are so many things to learn in showbiz, so many things to learn in acting. Nandu'n pa rin po 'yung focus ko sa pagiging mabuting aktor," pahayag niya.

Matututukan din daw ni Benjamin ang negosyo niyang coffee shop, ngunit itinanggi niyang may plano na silang lumagay sa tahimik ng nali-link sa kanyang si Julie Ann San Jose.

"Wala pa po ako du'n sa stage na 'yun na pinag-uusapan 'yung ganu'ng bagay." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News