Very honored at nagpapasalamat ang Kapuso actor na si Benjamin Alves na siya ang napiling gumanap bilang si dating Pangulong Manuel L. Quezon sa isang trilogy movie.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, ikinuwento ni Benjamin na nag-audition siya para sa naturang tole anim na taon na ang nakararaan.
Ang naturang pag-audition niya ay para sa trilogy movie tungkol sa Filipino-American war.
Nauna nang ipinalabas ang unang bahagi ng trilogy na "Heneral Luna" na naging matagumpay. Sa September 5 naman ay ipapalabas na sa mga sinehan ang second installment ng trilogy na, "Goyo: Ang Batang Heneral" na tungkol naman sa bayaning si Gregorio Del Pilar.
Ang buhay naman ni Manuel Quezon ang magiging pinakahuling bahagi ng tatlong pelikula.
"Six years ago pa po 'to, wala pa po akong masyadong alam sa pagiging aktor. So, I was very lucky na they saw something in me at 'yun po. Sana pagdating po ng panahon na maging pong Quezon, ah, mas handa na po ako para gampanan po 'yung role na 'yon," sabi ni Benjamin.
Sa "Heneral Luna" pa lang ay gumanap na si Benjamin bilang si Quezon, at muli siyang mapapanood sa naturang role sa "Goyo."
"I wouldn't say pivotal but it's a way to itawid po siya from the first to this and to the next film. Ang ganda po, ang ganda po talaga ng timeline niya," sabi ng aktor.
Samantala, nagpaliwanag naman si Benjamin tungkol sa pinag-uusapang shirtless scenes niya sa Kapuso series na "Kapag Nahati Ang Puso" na ipino-post niya sa kaniyang social media account.
"'Yun po talaga 'yung role ni Joaquin sa kasalukuyan. Ganu'n po talaga siya eh, medyo presko, medyo mayabang pero mabait po siya. And in the coming weeks, sa soap po makikilala n'yo na po ng mas malalim si Joaquin," saad niya.-- FRJ, GMA News
