Kinagiliwan sa pagdiriwang ng kapistahan ng Sto. Niño ang isang dalawang-taong-gulang na lalaki na binihisan na parang Santo Niño sa Naga, Camarines Sur. Ginagawa raw ito ng mga magulang ng bata bilang pasasalamat sa paggaling ng kanilang anak mula sa malubhang sakit.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, napag-alaman na batang cancer survivor si Sean Calvin Umali-Oba, o "Chan-chan," na naging agaw-pansin dahil sa pagkakahawig niya sa batang Hesus.
Bumagay sa maamong mukha at kulot niyang buhok ang bihis na katulad na nakikita sa Sto. Niño.
Kuwento ng mga magulang ni Chan-chan, ginawa nila ito bilang pagpapasalamat sa milagrosong paggaling ng kanilang anak mula sa sakit na cancer.
Dalawang buwan pa lamang umano noon si Chan-chan nang makitaan siya ng tumor sa itaas na bahagi ng kaniyang kidney.
Ang pagpapagaling ni Chan-chan ay pinaniniwalaan ng kaniyang mga magulang na milagrong ginawa ng Sto. Niño.-- FRJ, GMA News
