Apat katao, kabilang ang dalawang nakatatanda, ang inaresto sa isinagawang operasyon ng pulisya kontra sa iligal na droga sa Quezon City. Ang hinihinalang shabu, nakitang nakasiksik sa basahan.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, ipinakita ang surveillance video ng Station Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District Station 4, na nahuli-cam ang abutan ng droga ng isang lola at nagpanggap na buyer sa isang tindahan sa Barangay Gulod nitong Martes.
Ayon sa pulis, ang lola ang ginagamit na "runner" sa pagtutulak ng droga. Ang lolo na may-ari naman ng tindahan ang itinuturong nasa likod ng bentahan ng shabu.
Ang tindahan umano ang nagsisilbing prente para isagawa ang mga transaksyon sa bentahan ng droga, ayon kay Police Senior Inspector Dennis Francisco, hepe ng SDEU/Intel QCPD Station 4.
Inaresto sa operasyon ang senior citizen na may-ari ng tindahan na si Alex Rivera, ang lola na si Yolanda Angeles, ang kaanak niyang si Emmanuel Angeles, at si Christopher Cuaresma, na bibili umano ng droga.
Sa kabila ng pagtanggi ni Rivera sa akusasyon, nakita ang ilang hinihinalang shabu na nakitang nakasiksik sa basahan matapos itong gupitin.
Sa himpilan ng pulisya, sinabi ni Rivera na user lang siya at hindi talaga tulak.
Inamin naman ng matandang Angeles na naghahatid lang siya ng droga at binibigyan ng P50 hanggang P100.
Ang nakababatang Angeles, sinabing gumagamit lang siya.
Mahaharap ang apat sa reklamong paglabag sa Dangerous Drugs Act. -- FRJ, GMA News
