Hindi pa rin daw makapaniwala si Golden Cañedo na bahagi na siya ngayon ng showbiz industry at patuloy pa rin daw siyang naninibago.
Sa Star Bites report ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing patuloy ang pagdating ng biyaya kay Golden matapos tanghaling kampeon sa "The Clash."
Kamakailan lang, pumirma ng kontrata sa GMA Records ang biritera ng Cebu at nakatakda siyang gumawa ng album ngayong taon.
Para kay Golden, ang 2018 ang best year so far sa kaniyang buhay.
Pag-amin niya, naninibago pa rin siya sa showbiz dahil ang artista na dati niyang pinapanood ay nakakatrabaho na niya at nagiging kaibigan pa.
Kabilang dito sina Kyline Alcantara at Kate Valdez na kasama niya ngayon sa Kapuso Sunday Show na "Studio 7."
Sa nakaraang panayam, sinabi rin ni Golden na bukas siyang pasukin ang larangan ng pag-arte.--FRJ, GMA News
