Natutuwa ang aktres na si Candy Pangilinan na mapabilang sa bagong Kapuso series na "My Special Tatay" na tatalakay sa buhay ng isang lalaki na may mental disability na magiging ama.
Pinagbibidahan ni Ken Chan ang serye bilang si Boyet, na mayroong Mild Intellectual Disability with Mild Autism Spectrum Disorder.
Si Candy naman, dati nang ikinuwento ang karanasan niya sa kaniyang anak na si Quentin na may ADHD o attention deficit hyperactivity disorder.
BASAHIN: Candy Pangilinan, ibinahagi ang mga pagsubok sa pagpapalaki sa kaniyang anak na may ADHD
"Siyempre ginamit ko 'yung opportunity kasi autism awareness din ito and it is a chance para mabigyan din ng boses na isama natin sa komunidad natin ang mga bata na may disability. So natutuwa po ako and very grateful na maging part of this project," saad ni Candy sa press conference ng programa nitong Martes sa GMA Network.
Meet the cast of GMA’s newest afternoon soap starting Sept. 3 ‘My Special Tatay’: Candy Pangilinan as Chona Mariano. @gmanews pic.twitter.com/S49Fh6ZXAe
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) August 28, 2018
Inilahad ni Candy ang kaniyang mga karanasan sa libro niya na "Mommy Dear: Our Special Love," at nais niyang bigyan nito si Ken.
"Bibigyan ko siya ng book, sabi ko, para maintindihan niya 'yung pinagdadaanan na stages, 'yung development ng bata, kung ano 'yung mga fears nila, kung paano sila nagre-react sa ibang tao," sabi ni Candy.
Ikinuwento ni Candy ang bilin noon ng doktor na kailangan niyang kontrolin ang kaniyang emosyon sa panahon na nagwawala ang anak.
Nahihirapan din si Candy dahil kailangan niyang makipagmatigasan sa anak pagdating sa atensyon. Dahil dito, hindi maiwasan ng mga taong nakakakita sa kanilang sitwasyon na isipin na pinapabayaan ni Candy ang kaniyang anak.
Samantala, para gampanan naman ang role ng isang may mental disability, hindi rin biro ang ginawang immersion ni Ken sa mga PWD.
Meet the cast of GMA’s newest afternoon soap starting Sept. 3 ‘My Special Tatay’: Ken Chan as Boyet, a man with a disability. @gmanews pic.twitter.com/PhFlTvEVui
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) August 28, 2018
"Sobrang thankful po talaga ako na ibinigay nila sa akin ito. At sobrang saya ko rin po dahil masasabi ko, ito ang pinakamahirap na role na ginawa ko as of now sa tanang buhay ko po. Mahirap siya in a way na talagang nag-immerse kami... dahil napaka-sensitive po kasi ng ganitong klase na istorya," sabi ni Ken.
"Puro research, puro nood ng mga movie... sa tulong ng mga pelikula na ito at immersions, napaghalo-halo ko 'yung mga nuances, mga kilos, galaw at detalye hanggang sa nabuo po si Boyet ng 'My Special Tatay," dagdag ni Ken.-- FRJ, GMA News
