Inihayag ng kauna-unahang "The Clash" champion na si Golden Cañedo na bukas din siya sa pag-arte. Kung siya raw ang papipiliin, mas gusto niyang gampanan ang mga role na siya ang inaapi o pinaiiyak.
"Yes po open na open ako sa pag-acting. Parang mas gusto ko po ngayon for now na gusto ko po talagang isabak 'yung acting. Kasi sobra po talaga siyang, parang binibigay mo po lahat 'yung pagkatao mo sa acting," saad ni Golden sa contract signing niya sa GMA Records nitong Biyernes sa GMA Network.
Golden Canedo signs contract with GMA Records today, October 26. @gmanews pic.twitter.com/slIUP1jCRW
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) October 26, 2018
Ayon sa singer mula sa Cebu, mas gusto niyang umiyak dahil mahirap itong gawin.
"Inaapi po. Wala lang po, parang, mas mahirap po kasing umiyak, kaysa sa magmaldita. Feeling ko po gusto ko pong parang inaapi, umiiyak, andaming ganap," masaya niyang sabi.
"Pero wala po akong experience sa acting, sa 'Magpakailanman' lang po talaga," pagbanggit pa ni Golden.
Matatandaang itinampok ang kaniyang kuwento sa "Magpakailanman" noong Sabado, lalo ang kaniyang mga pinagdaanan sa "The Clash."
Natanong kung handa na siyang pagsabayin ang pagkanta at pag-arte.
"Tingnan po natin if ibibigay sa akin 'yung ganoon. Pero willing naman po akong tumanggap," sabi ni Golden.
Paano naman kaya ang naiwan niyang buhay sa Cebu, lalo na ang mga sumusuporta sa kaniya?
"Kahit po nandito na ako sa GMA, hindi pa rin po mag-iiba 'yung ako, 'yung dati pong ako. Hindi pa rin po siya mababago," pagsiguro ng 16-anyos na singer.
Album with GMA Records
Ngayong may kontrata na rin sa GMA Records, binubuo na rin ni Golden ang kaniyang album.
"May ginagawa po sila ngayon na album po para sa akin. And ngayon po, nagpa-practice po ako for that... Pangarap ko po na may sariling kanta."
Kuwento ni Golden, ang songwriter na si Vehnee Saturno ang nagko-compose ng kaniyang mga kanta.
"Actually si sir Vehnee 'yung naggagawa ng kanta ko para sa akin. So pina-practice ko naman po siya. Wala pa po ngayon. Maybe next week meron na para ipa-practice ko siya," saad niya.
"Mas gusto ko pa pong ma-experience, gusto ko pong makanta 'yung iba't ibang genre na hindi ko pa nakakanta sa The Clash," sabi ni Golden nang tanungin kung may pinipili ba siyang genre.
Ayon kay Golden, mga awiting "chill" umano ang gusto niya.-- FRJ, GMA News
