Masaya at komportable raw kaagad sa isa't isa sina Kyline Alcantara at Manolo Pedrosa sa taping ng kanilang pagbibidahang Kapuso series na "Inagaw Na Bituin."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, makikita na nagbibiruan na kaagad ang dalawa sa taping ng kanilang upcoming series.
Malaking tulong daw na nagkasama sila sa isang episode ng weekly fantasy anthology series na "Daig Kayo ng Lola Ko" para magkapalagayan kaagad sila ng loob.
Kahit sa eksena, ginu-good time daw ni Manolo si Kyline.
"Masaya," natatawang sabi ni Manolo sabay baling kay Kyline para ipaliwanag kung bakit.
"Kasi loko-loko po 'tong si manolo and ako 'yung lagi niyang tinatakot," natatawang sagot naman ng aktres.
Natatawa pang paliwanag ni Manolo, "Car scene po kasi siya eh, tapos drone shot, so may instances na kailangan mabilis. Hinahatak ko talaga para maano si Kyline, sumisigaw naman. Tingnan mo buhok niya."
Natutuwa ang dalawa na nabigyan sila ng pagkakataon na maging magkatambal sa "Inagaw Na Bituin."
Sabi ni Manolo, nag-audition siya sa proyekto at masaya nang malaman niyang si Kyline ang makakasama niya.
Ayon naman kay Kyline, "sobrang saya ko po dahil isa po si... dahil si Manolo po 'yung napili because 'yung nga po, very positive and same lang po kami ng outlook sa life. And baka maimpluwensiyahan niya ko ng pagda-diet niya."
Inihayag din ng dalawa na handa silang ma-link sa isa't isa dahil bahagi umano iyon ng showbiz.-- FRJ, GMA News
