Ala-debutante ang misis ni Michael V. na si Carol Bunagan nang sorpresahin siya ng comedy genius sa kaniyang ika-50 na kaarawan.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali," sinabing nagawa pa rin ni Bitoy na sorpresahin ni Michael si Carol kahit pa abala ang aktor sa promotion ng pelikula niyang "Family History."
Hindi raw kasi naranasan noon ni Carol na ipagdiwang ang kaniyang debut.
"Bago matapos ang buwan, gusto ko lang balikan ‘yung birthday party ni misis earlier this month. She just turned 50 pero kagaya ng sinasabi ng marami, “wala sa itsura”. Kase sa totoo lang, considering 4 kids and all these years of putting up with me , hindi mo talaga iisiping 50 na s’ya," saad ni Bitoy sa Instagram.
"Hindi n’ya na-experience ‘yung malaking ‘debut’ when she turned 18 kaya I made sure na kahit 32 years later, maihabol ko ‘yung saya, ‘yung thrill and excitement," dagdag pa niya.
"Successful naman! Dumating ‘yung mga alam naming nagmamahal sa kanya ng totoo. ‘Yung iba, malayo ang pinanggalingan; ‘yung iba short notice pero they made sure na mai-celebrate ‘tong milestone na ‘to with her," ayon pa kay Bitoy.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
