Nasawi ang isang babae na biglang tumawid at nasagasaan ng pickup truck sa Ligao City, Albay.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Lunes, sinabing nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyari.

Pero bago ang insidente, makikita sa kuha ng CCTV camera na magkakasamang naglalakad ang biktima at ang dalawang iba pa.

Naunang tumawid ang isang kasama ng biktima, habang nanatili naman sa bangketa ang isa pa.

Hindi pa malaman kung bakit biglang napatakbo ang biktima na tila hinabol ang kasama niya na unang tumawid.

Nang makahakbang na ang biktima, napansin niya ang paparating na sasakyan pero hindi na siya nakaiwas at tuluyang nasalpok.

Tumakbo naman ang dalawa niyang kasama para saklolohan ang biktima.

Makikita sa kuha ng CCTV camera na nagtuloy sa pagtakbo ang nakadisgrasyang sasakyan.

Napag-alaman na may iba pang aksidente na nangyari sa Bicol region sa hiwalay ng GMA Regional TV "Balitang Bicolandia" sa ibaba.

--FRJ, GMA Integrated News