Bangungot ang kinahantungan ng isa sanang masayang tour ng isang grupo sa Kalinga, matapos mahulog ang kanilang van sa isang bangin na nasa 50 metro ang lalim sa Mountain Province. Lima katao ang patay habang siyam ang sugatan.
Sa ulat ni Darlene Cay sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang van na sira at nayupi matapos mahulog sa bangin at bumagsak sa ilog pasado 7 p.m. sa Barangay Poblacion, Sadanga.
Kabilang sa dead on the spot ang driver at apat na sakay ng van. Dinala naman sa ospital ang siyam na sugatan.
Sanib-puwersa ang mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, LGU at mga residente na gumamit ng mga lubid para makababa sa ilog at maaiakyat ang mga biktima.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng PNP Cordillera Administrative Region na may 12 turista na sakay ang van, isang tour coordinator at driver.
Patungo ang van sa Buscalan, Kalinga na isang kilalang tourist spot.
''Galing sila sa iba-ibang lugar pero nag-convene sila sa Manila. Ang purpose nila is to visit the famous Apo Whang Od,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Carolina Lacuata, PIO ng PNP-CAR.
''For now, hindi pa natin ma-identify talaga kung anong totoong nangyari. Hindi madulas ‘yung kalsada dahil hindi umulan. Sementado naman doon sa area. Kaya lang, meron napansin ang ating mga imbestigador na parang may scratch ng metal sa kalsada,” sabi pa ni Lacuata.
Hinala ng pulisiya na flat ang gulong ng van.
“Mukhang na-flat siguro ‘yung sasakyan at hindi na na-control ng ating driver ‘yung sasakyan, kaya nahulog. Parang ganu’n po ang theory for now,” dagdag niya.
Nagdadalamhati ang pamilya ng van driver na si Vans Hernandez Jr. Sinabi ng kaniyang misis na tila nagkaroon siya ng pangitain bago ang sakuna.
“Nanaginip po ako noong gabi. Hindi ko na po sana siya papaalisin. Panaginip ko nalaglag ‘yung van sa bangin. Pero kasama po ako, ‘yung pangitain ko. Tapos bigla akong nagising. ‘Yun, kinabahan na po ako. Tapos ‘yun, ‘yung ganu’n na nga po,” sabi ni Bhaves Dizon Hernandez, misis ng driver.
Bago nito, sanay na ang kaniyang asawa na bumiyahe roon.
“Weekly po siya umaakyat po talaga ng Bontoc. Weekly po ‘yun. Three years na po siya diyan, ngayon pa nagkaganiyan. Kaya po ako nagtataka kung paano po nangyari ‘yun,” sabi pa ng misis.
Ang mag-asawa ang may-ari ng van na nirerentahan ng travel agency para sa mga joiners tour.
“Sana masaya na siya kung nasaan siya. Mahal na mahal namin siya ng mga anak niya. Kakayanin ko, pipilitin ko para sa mga anak niya,” sabi ni Hernandez.
Patuloy na kinukuha ng GMA Integrated News ang panig ng travel and tours agency, na hindi pa sumasagot sa mga text o tawag.
Sinabi ng PNP na may prangkisa ang van bilang tourist transport service. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
