Kasama sa repormang ipinatupad ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mas mataas na minimum na buwanang sahod at taunang medical checkups para sa mga Filipino domestic worker na ipadadala sa ibang bansa upang matiyak ang kanilang proteksyon at kapakanan.
Sa ilalim ng Advisory No. 25 s. 2025 ng DMW, ipatutupad ng kagawaran ang pagtaas sa buwanang minimum wage ng mga Pilipinong domestic worker mula sa kasalukuyang US$400 patungo sa hindi bababa sa US$500.
Nakasaad sa advisory na isasama ang dagdag na sahod sa lahat ng kontrata na ipoproseso ng DMW.
Sa abiso, inatasan ang mga Migrant Workers Offices (MWOs) na dapat makipag-ugnayan sa mga pamahalaan ng host countries at sa mga dayuhang recruitment agency upang ipatupad ang bagong pamantayan sa sahod ng mga DH.
"The new wage floor reflects the recognition of domestic work as work of equal value deserving of fair compensation," ayon sa abiso.
Ang reporma na pirmahan ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac nitong Agosto 22, ay naglalaman ng programa upang lalong maitaas ang dignidad at maisulong ang kapakanan ng mga OFW.
"These reforms reinforce the Philippine government's commitment to decent work, ethical recruitment, and strengthened welfare mechanisms for Filipino domestic workers deployed abroad," anang kalihim.
Kasama sa mga pangunahing bahagi ng reporma ay ang taunang medical check-up at pagpapa-ospital o paggamot ng mga OFW. Gayunman, sinabi ng DMW, ipatutupad muna ang mga ito sa boluntaryong paraan.
Kasama ring sa reform package ang:
- Pagpapatupad ng mandatory "Know Your Employer" (KYE) protocol para matiyak ang transparency sa pagitan ng domestic worker at employer sa pamamagitan ng mandatory video conferencing bago tuluyang mapirmahan ang kontrata
- Pagpapatupad ng "Kumusta Kabayan?" na digital welfare monitoring system upang malaman ang kalagayan ng OFWs
- Reskilling, upskilling, at career mobility program
- Mas mahigpit na pamantayan para sa accommodation facilities ng mga recruitment agency
- Whitelisting policy para sa mga recruitment agency na mapapatunayang sumusunod at may makataong paraan ng pagpapadala ng mga manggagawa
- Rights-based approach sa pamamagitan ng legal at iba pang uri ng tulong sa ilalim ng DMW AKSYON Fund.
Magkakaroon ng 60-araw na transition period sa mga reporma na may kaugnayan sa mas mataas na sahod, medikal na pagsusuri, Know Your Employer protocol, at digital welfare monitoring system.
"We will allow ourselves a transition period of 60 days after the issuance of the advisory, which I will sign today (August 22). The advisory shall apply to all recruitment agencies and employers here or abroad with newly hired domestic workers under employment contracts entered into, or with vacationing or returning domestic workers under contracts renewed," ayon kay Cacdac.
Nakatakdang maglabas ng mga operational guidelines ang kagawaran para sa bawat bahagi ng repormang ipatutupad. — FRJ GMA Integrated News
