Nasawi ang dalawang pulis na miyembro ng Provincial Explosive and Canine Unit (PECU) matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng kanilang quarters sa Bangued Police Station sa Abra nitong Lunes.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na basta na lang binaril umano ni Police Lieutenant Jamieson Bulatao, officer-in-charge at team leader ng PECU–Abra, ang kabaro nito na si Police Staff Sergeant O’Neal Ryan Calica.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib si Calica at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Sunod naman umanong binaril ni Bulatao si Police Staff Master Sergeant  Edwin Bandoc, na hindi tinamaan kaya nakaganti ng putok at tinamaan sa dibdib si Bulatao, na ikinasawi rin ng huli.

Sumuko si Bandoc matapos ang insidente pero hindi pa siya naglalabas ng pahayag. Posible siyang maharap sa kaso.

Ayon kay Police Major Graeme Boy Javier, hepe ng Bangued Police Station, iniimbestigahan pa nila ang ugat ng nangyaring krimen.

“Wala pa tayong nakikitang motibo kung ano ‘yung totoong dahilan. Sa inisyal nating imbestigasyon, mayroong matagal nang hindi pagkakaintindihan itong si Calica at si Bulatao,” ani Javier.—FRJ GMA Integrated News