Isang taxi driver ang sugatan matapos siyang gilitan ng isa sa tatlo niyang pasahero sa Ermita, Maynila. Ang suspek na lumaslas, sinabing bigla na lang gumalaw ang kaniyang katawan at kamay.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng pulisya na tatlong pasahero ang sumakay sa Pasay City at magpapahatid sana sa isang lugar sa Santa Mesa noong nakaraang Linggo.
Habang nasa biyahe, bigla umanong nagtalo-talo ang tatlong pasahero. Nagpahinto umano ang mga suspek saglit sa Ayala Boulevard at nagsabing kailangan lang umihi ng isa sa kanila.
“Narinig niya na lang na sumigaw 'yung isa, na ‘Kanain mo na ‘yan.’ Saka siya ginilitan. It so happened na nagpambuno sila, nahinto 'yung sasakyan, nakatakbo 'yung dalawa, naiwan sa loob 'yung isa,” sabi ni Police Major Aris Tormo, Deputy Station Commander ng MPD-5.
Agad namang nakatawag ng saklolo ang biktima sa mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit at Manila Traffic and Parking Bureau kaya nadakip ang isa sa tatlong suspek na kinilalang si alyas “Simplicio.”
Dinala naman sa pagamutan ang sugatang biktima at nakalabas makaraan ang dalawang araw.
Nahanap sa Mandaluyong City ang ikalawang suspek na kinilala sa alyas na “De Guzman."
Si De Guzman ang nagturo sa kinaroroonan ng ikatlong suspek na si alyas “Jerusalem” na natunton naman sa Quezon City.
Hindi na narekober sa mga suspek ang ginamit na panlaslas sa biktima.
Nakikita ng pulisya na motibo sa krimen na posibleng namahalan ang mga suspek sa kanilang pamasahe.
“According sa mga suspek natin, nagtaka sila kasi tumataas 'yung metro. Pero according naman sa biktima, parang wala lang pamasahe yata 'yung tatlo,” sabi ni Tormo.
Batay sa suspek na si Simplicio, katatapos lang nilang mag-apply ng trabaho bilang construction worker.
Pagkasakay nila ng taxi, bigla umanong humirit ng dagdag na P50 sa flag down rate ang biktima. Pumayag naman umano ang mga suspek pero P250 lang ang kanilang hawak na pera noon.
Pagdating nila sa Ayala Boulevard, nasa P280 na umano ang kanilang taxi meter.
“Pero nagsabi na rin po akong uutang ako du’n sa dropping point namin. Pagpara po du’n sa San Marcelino, Ayala, bigla na lang po siyang lumapit sa driver. Pagtingin ko, may dugo na po. Ako po nagpaiwan ako para bagkus gusto kong ma-sure na buhay 'yung tao kasi duguan po 'yung leeg eh,” sabi ni Simplicio.
Batay sa imbestigasyon, ang suspek na si Jerusalem ang itinuturong lumaslas sa leeg ng taxi driver, na umamin sa kaniyang nagawa.
“After po nu’ng sabi nga, iihi nga po ako. Tapos ‘yun, bigla na po gumalaw po 'yung katawan ko po, 'yung kamay ko po. Na-slash ko na lang po. Napagtanto ko po na bakit ako may hawak na kutsilyo. Na-over fatigue siguro po tapos gutom po,” sabi ni alyas Jerusalem.
Ang suspek naman na si De Guzman, wala talaga umano sanang balak tumakas.
“Pagkatakbo niya po, hinabol ko po siya. Sobrang ko pong takot kasi po ang dami ko rin po dugo sa katawan. Hindi na po ako bumalik po kasi po, iniisip ko baka mataumbayan po ako ‘pag bumalik pa po ako," sabi ni alyas De Guzman.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung may dati nang kaso ang tatlong suspek.
Mananatili sa kustodiya ng Ermita Police Station ang mga suspek, na nahaharap sa reklamong frustrated murder. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
