Inilabas ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co nitong Sabado ang ikalawang bahagi ng kaniyang video exposé tungkol sa umano'y P100-bilyong insertions sa national budget na iniutos umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at sinabing siya mismo ang naghatid ng pera sa pangulo at kay dating Speaker Martin Romualdez.
“Ako lang at ang aking mga tao sila Paul Estrada, Mark Tecsay at ang aking mga security ang nag-deliver papunta sa bahay nila Pangulong Bongbong Marcos at Speaker Martin Romualdez sa North Forbes Park, South Forbes Park hanggang sa Malacañang. ‘Yung mga deliveries po ay merong record ang aking mga tao,” sabi ni Co, dating chairperson ng House appropriations committee, sa video.
Sa naturang video, naglabas din si Co ng mga larawan ng mga umano'y maleta na sinasabi niyang inihatid niya kina Marcos at Romualdez.
Samantala, pinabulaaanan ni Marcos ang pahayag ni Co.
“I don’t want to even dignify what he was saying,” sabi ni Marcos sa isang mabilisang panayam sa mga reporter sa pagbisita niya sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa Negros Occidental.
Iginiit naman ni Romualdez na malinis ang kanyang konsensiya.
"My conscience remains clear. Throughout this inquiry, no public official, contractor, or witness has pointed to any wrongdoing on my part," sabi ni Romualdez sa isang pahayag.
"I do not wish to comment on the recent statements and allegations made by former Rep. Zaldy Co because these were not made under oath and do not hold water in the court of law."
Muling pinabulaanan ni Acting Secretary Dave Gomez ng Presidential Communications Office ang mga pahayag ni Co, na iginiit na “bunch of hearsay” ang mga paratang ni Co.
"We may begin to sound like a broken record. What he is saying is a bunch of hearsay. Sabi nito, sabi ni ano. Hind- nag rewrite ng script sa second video kahit na kanal na yung una," sabi ni Gomez sa mga reporter.
"We continue to issue the same challenge. Come home, sign these under oath and face the music," dagdag niya.
Nitong Biyernes, sinabi ng Malacañang na “wild accusations" ang mga binanggit ni Co.
"These wild accusations are completely without basis in fact. All the charges leveled against the President are pure hearsay,'' sabi ni Gomez.
Ipinunto ni Gomez na si Marcos mismo ang naglantad ng flood control anomalies at gumawa ng maraming hakbang upang matiyak na “the guilty are brought to justice, the stolen wealth recovered, and the system is fixed to avoid any of these from happening again.”
“Rep. Zaldy Co should come back to the country and sign everything he said under oath with the proper judicial authorities,” sabi ni Gomez.
Orly Guteza
Sa video, sinuportahan ni Co ang mga paratang ng kaniyang umano'y dating security aide na si Orly Guteza, noong Setyembre, na naghatid ng mga bagahe ng pera si Guteza.
“Totoo po ‘yung sinasabi ni Orly Guteza na nag-deliver siya sa Forbes Park. Totoo din po ang sinasabi ni Orly Guteza na nag-deliver siya sa Malacañang nung siya ay nasa Senado,” sabi ni Co.
Noong Setyembre, humarap si Guteza sa imbestigasyon ng Senate panel matapos siyang iharap ni Senador Rodante Marcoleta. Sinabi ni Guteza na dati siyang miyembro ng Philippine Marines at kinuha bilang security aide ni Co noong Disyembre 2024.
Gayunpaman, noong Oktubre, natuklasan ng Manila Regional Trial Court (RTC) na hindi lagda ng abogado na siyang lumabas sa dokumento, ang lagda na nasa affidavit ni Guteza.
Simula noon, nawala na si Guteza sa paningin ng publiko.
25B para kay Marcos wala para kay Co
Iginiit ng dating mambabatas na nakatanggap si Marcos ng 25% mula sa umano'y mga insertion o P25 bilyon.
“After po ng approval ng budget sa General Appropriations Act of 2025, nagtanong po ako sa DPWH [Department of Public Works and Highways] kung magkano ang kailangan na ibigay sa Office of the President o ang SOP na bigayan,” sabi ni Co.
“Ang sinagot sa akin ay 25%. Ang ibig sabihin ito, 25% ng P100 billion ang SOP na kailangan ibigay kay BBM mismo. In total, P25 billion ang napunta kay Pangulong Bongbong Marcos,” sabi ni Co.
Iginiit ni Co na hindi siya nakinabang sa mga insertion ‘di umano.
“Wala pong perang napunta sa akin. Lahat po ng insertion napunta sa ating Pangulo at Speaker Martin Romualdez,” sabi niya. —VBL GMA Integrated News

