May biro si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Huwebes na kabilang ang pagtatalaga ng kanyang maybahay, si Unang Ginang Louise "Liza" Araneta Marcos, sa mga pagbabago sa kaniyang Gabinete.

Sa kaniyang talumpati sa 2025 Bagong Bayani Awards, sinabi ni Marcos na madalas bumibiyahe sa Europa ang kaniyang asawa para tumulong sa mga programa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

"She has become our ambassador now for migrant workers, it's your new designation. 'Di ba magka-Cabinet shakeup tayo? So kasama ka na doon…" sabi ni Marcos habang nagpapatuloy sa kaniyang talumpati.

Ang pahayag ni Marcos ay kasunod ng mga pagbabago sa Gabinete, kung saan nawala sa tungkulin kamakailan sina dating executive secretary Lucas Bersamin at dating Budget secretary Amenah Pangandaman.

Si Bersamin ay pinalitan ni Finance Secretary Ralph Recto habang si Pangandaman ay pinalitan ni Budget Undersecretary Rolando Toledo.

Itinanggi ni Bersamin na nagbitiw siya sa pwesto, taliwas sa pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na nag-resign ang dating executive secretary dahil sa delicadeza. — Jamil Santos/ VDV GMA Integrated News