Nagtamo ng mga sugat ang isang driver at pahinante ng truck matapos silang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa General Santos City. Ang driver, itinuro na ang dati niyang ka-live-in ang angkas umano ng gunman.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing naganap ang pamamaril habang sinusuri ng pahinante ang nakaparada nilang sasakyan sa Barangay Lagao.
Ang nakaupong driver ang binaril ng dumating na riding-in-tandem, at tinamaan siya sa balikat at leeg.
Samantala, nagtamo ng minor injuries ang pahinante dahil sa tumalsik na debris ng truck.
Bago sila dalhin sa ospital, nabanggit umano ng driver sa pulisya na ang kaniyang dating ka-live-in ang babaeng angkas ng gunman.
Nahanap at nadakip kalaunan ang babae na itinangging may kaugnayan siya sa krimen. Hindi rin daw siya ang angkas ng namaril na rider. Patuloy na tinutugis ang rider.
Ayon sa pulisya, personal na away ang posibleng motibo sa krimen.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
