Nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes na patuloy na pahuhusayin ng kaniyang administrasyon ang proteksiyon at serbisyo para sa overseas Filipino workers (OFWs) na itinuturing niyang mga bayani.

''Kaya bilang suporta, asahan ninyo na nandito lang ang inyong pamahalaan,'' saad ni Marcos sa kaniyang talumpati sa 2025 Bagong Bayani Awards.

''Through the Department of Migrant Workers, we shall continue to elevate protection, streamline services, and ensure that every OFW is treated as the hero that they are,'' dagdag niya.

Ang Bagong Bayani Awards ang pinakamataas na pagkilala ng bansa para sa mga OFW, bilang pagpupugay sa kanilang lakas, husay, at puso. Paalala rin ito sa bawat Pilipino na ang tunay na kabayanihan ay matatagpuan sa araw-araw na serbisyo at sakripisyo—sa lupa man o sa dagat, sa mga tahanan o ospital, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa.

Ang ilan sa kategorya nito ay: Outstanding Employee Award, Community and Social Service Award, Culture and the Arts Award, Capt. Gregorio S. Oca Achievement Award, at Blas F. Ople Award Para sa Natatanging Bagong Bayani.

Para sa 2025, may mga bagong kategorya: Heroic Act Award, Successful Reintegration Award, at Susan ‘Toots’ V. Ople Award. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News