Kinumpirma ito ni Gatchalian, tagapagtaguyod ng panukalang badyet ng Department of Justice (DOJ) para sa susunod na taon, sa pagpapatuloy ng mga debate sa plenaryo para sa pambansang badyet sa 2026, nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros para sa update tungkol kay Ong.
“Ngayon si Cassandra Li Ong naka-release po siya, so hindi siya [nakakulong],” sabi ni Gatchalian, naa binanggit ang impormasyon mula sa officer-in-charge ng DOJ na si Fredderick Vida.
Ikinagulat ito ni Hontiveros, tagapangulo ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, na siyang nag-imbestiga sa kontrobersiya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
“Mr. President, actually nagulat rin ako. Pareho ho tayong nagulat kasi tinututukan ho natin itong case… I was advised that dahil nu’ng nag-recess po ‘yung [Congress], pinalabas ho natin siya because ‘pag nagmo-move from one Congress to the other Congress, pinapakawalan ho natin ‘yung mga nade-detain dito,” sabi ni Gatchalian.
Kung matatandaan, sinentensiyahan si Ong ng House Quad Committee ng contempt dahil sa imbestigasyon sa mga krimeng may kaugnayan sa POGO noong Setyembre 19, 2024. Ito ang pangalawang sentensyang isinampa kay Ong dahil sa pagsisinungaling umano tungkol sa kaniyang mga rekord sa paaralan.
Noong Setyembre 26 ng nakaraang taon, inilipat si Ong sa CIW sa Mandaluyong City, matapos aprubahan ng QuadCom ang mosyon na ikulong siya roon.
Nag-adjourn sine die ang ikatlong regular na sesyon ng ika-19 na Kongreso noong Hunyo 2025, habang nagsimula ang unang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso isang buwan pagkatapos.
“Na-detain ho siya sa House and then because of the transition from the 19th Congress to the 20th Congress, pinalabas siya sa detention. At that point, wala pang kaso. So ngayon ho meron nang kaso, the same, qualified human trafficking,” sabi ni Gatchalian.
“Unfortunately, because nung nakalabas siya saka lang na-file ‘yung kaso, at large siya ngayon,” sabi niya.
Mayo nitong taon nang maglabas ang Angeles, Pampanga Regional Trial Court Branch 118 ng mga warrant of arrest laban kay Ong at iba pa dahil sa qualified human trafficking kaugnay ng scam hub umano na pinapatakbo ng Lucky South 99.
Ibinasura ng Court of Appeals (CA) noong Hulyo ang petisyong inihain ni Ong laban sa resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na nagsampa ng kaso sa kaniya ng qualified human trafficking. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News

