Timbog ang isang 32-anyos na babae matapos siyang mabilhan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P136,000 sa ikinasang buy-bust sa inuupahan niyang bahay sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nabilhan umano ang suspek ng droga ng pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha mula sa babae ang 20 gramo ng shabu na may nabanggit na halaga. Patuloy na inaalam ng pulisya ang pinagkunan niya ng droga.
“Dito lang daw siya sa Commonwealth, then Batasan, then Holy Spirit. 'Yan 'yung mga area niya. And usually ang mga parakyano niya, magkakakilala, siyempre din 'yung mga driver dun sa area. Then ginagawa nila 'yung transaction through online. Minsan, pag umayon na sa usapan, 'yun, pinipick up na lang. Nag-aabutan sila dun sa eskinita o dun mismo sa bahay,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Aljun Belista, commander ng Batasan Police Station.
Nakabilanggo sa Batasan Police Station ang suspek na umaming nagbebenta ng droga para magkapera.
“Pangangailangan po sa pang-araw-araw. Pansamantala lang po sana kasi 'yung kinakasama ko, balak niya pong mag-abroad sa next year po, sa January,” sabi ng suspek.
Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
