Patay ang isang lalaki na suspek umano sa dalawang insidente ng pamamaril, nang siya naman ang pagbabarilin sa Barangay 38 sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinatnan ng mga awtoridad ang lalaki na duguan at nakahandusay sa Esmeralda Street, hatinggabi nitong Lunes.

Sinabi ng barangay na dumating sa lugar ang biktimang si alyas “Allen,” na sinalubong umano ng gunman at pinaputukan.

Nag-iikot umano ang ilang tauhan ng barangay noon nang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Ayon sa barangay, residente ng Bulacan ang biktima at bibisita lang sa bahay ng gunman. Hindi pa umano malinaw kung ano ang kaniyang sadya roon.

Natuklasan pa ng barangay na suspek ang biktima sa dalawang insidente ng pamamaril sa Maynila, bagay na kinumpirma ng ina ng biktima.

“Opo nagtatago po siya eh. Pero ang alam ko lang po ‘yung isang insidente na nangyari noong Oktubre 15. Inamin po niya. Inamin po niya sa kadahilanang ‘yung kaniyang motor ay kinuha po nu’ng tao,” sabi ng nanay ng biktima.

Gayunman, wala siyang ideya kung bakit nagtungo noong araw na iyon ang kaniyang anak sa bahay ng suspek.

Dati ring magkakosa sa kulungan ang dalawa. Kalalaya lang ng kaniyang anak noong Agosto nang mabilanggo dahil sa kasong may kinalaman sa pagdadala ng hindi lisensiyadong baril.

Sinubukan ng GMA Integrated News na puntahan ang bahay ng kinakasama ng suspek pero walang humarap na tao.

Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya para mahuli ang gunman. — Jamil Santos/VBL GMA Integrated News