Inilarawan ng isang Feng Shui consultant na “fast-paced” o mabilis ang mga pangyayari sa Year of the Fire Horse kaya dapat makatuon ng tao sa kanilang target goal sa 2026.

Ayon sa Feng Shui consultant na si Johnson Chua, sumisimbolo ang Fire Horse sa matinding kagustuhan at determinasyon.

“Talagang over fire tayo [sa 2026],” saad niya sa “Unang Hirit” episode nitong Lunes.

“Magke-create ng horse is a passion energy, so that means nag-creation tayo for 2025, [pagkatapos] 2026 is more on determination na i-push mo na siya, i-go mo na siya,” dagdag niya.

Dahil sa magiging “fast-paced” ng Year of the Fire Horse, sinabi ni Johnson na dapat ang tao “is always stick to your target goal.”

Hindi umano dapat maging sugod nang sugod lang ang tao sa 2026, at dapat mas malinaw na nais makamit.

“Kulang sa water, madaming fire, so medyo kulang sa kalma ‘yung taon, so chances are maraming conflict energy,” patuloy niya.

“’Wag tayo magpa-derail. Mamaya, nagpapadala lang tayo sa emotions natin, saka ang Horse is ano’ yan eh, vengeful na revengeful pa,” dagdag niya.

Pagdating sa mga suwerte na Zodiac signs, tinukoy ni Johnson ang mga “kaibigan” ng Horse: Rabbit, Goat, Ox, Dragon, at Dog.

Pagdating naman sa pag-ibig, ang mga buwenas na Zodiac signs ay Goat, Dog, Tiger, Rooster at Rabbit.

Dapat naman umanong mag-ingat sa usapin ng kalusugan ang mga ipinanganak sa years of the Pig, Dog, Rat, Horse, at Snake.

Ngunit paalala, ang mga ito ay gabay lang, at ang tunay nating kapalaran ay nakasalalay pa rin sa mga aksyon at desisyong ginagawa natin sa ating buhay. – Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News