Apat katao ang dinala sa East Avenue Medical Center matapos mabiktima ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ang dalawa sa kanila, mga menor de edad.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga menor de edad ang isang siyam na taong gulang na lalaki mula Tala, Caloocan, na hindi maidilat ang kaniyang mga mata at nagkalapnos sa mukha matapos masabugan ng pulbura.
Edad 10 ang isa pang batang babae mula Barangay Old Balara sa Quezon City na tinamaan ng luces sa kaniyang mata.
Isang 46-anyos na lalaki rin ang isinugod matapos matalsikan ng fountain sa kaniyang braso. Ayon sa kaniya, nanonood siya ng mga nagpapaputok sa kalsada nang maganap ang insidente.
Isang babae ang sugatan sa mukha matapos matalsikan ng fountain, habang isinugod din sa ospital ang isang lalaki na nagtamo umano ng tama ng bala ng baril sa kaniyang kaliwang binti.
Sa hiwalay na ulat ni Maki Pulido sa Balitanghali, sinabing iniimbestigahan kung isa itong biktima ng ligaw na bala.
Kung ikukumpara mula sa monitoring period ng Department of Health noong nakaraang taon, malaki na ang ibinaba ng bilang ng fireworks-related injury sa naturang ospital.
Hanggang Enero 1 ng 8 a.m., may naitalang 14 kaso ng mga naputukan, na mas mababa kumpara sa nakaraang bisperas na nasa 38 kaso.
Posible pang tumaas ang bilang dahil may mga nagpapaputok pa rin, habang ang iba ay ipinagpapaliban o late ang pagpapatingin sa doktor.
Payo ng East Avenue Medical Center na kung sakaling masaktan ng paputok, ipakita agad ang sugat dahil itinuturing itong dirty wound at posibleng mangailangan ng anti-tetanus prophylaxis.
Samantala, mas mataas ang bilang ng mga naaksidente dahil sa pagmamaneho ng lasing na 38 kaso.
Samantala, limang biktima naman ang dinala sa Pasig City General Hospital.
Base sa panayam ng Super Radyo DZBB sa nurse supervisor ng ospital, sinabi niyang kuwitis, Roman Candle, Goodbye Philippines at hindi pa mga matukoy na paputok ang nakasugat sa mga biktima.
Sa kabila niyan, ang nasabing bilang ay isa sa pinakamababang kaso ng naitala ng ospital sa mga nakaraang taon.
Posibleng may kinalaman ang hindi pagbibigay ng special permit to sell firecrackers ng Pasig local government noong nakaraang taon.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
