Inaresto sa bisa ng arrest warrant ang convenor ng United People's Initiative (UPI) at retired major general na si Romeo Poquiz sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City ngayong Lunes.

Kagagaling lang ni Poquiz mula sa bakasyon sa Bangkok, Thailand nang arestuhin siya, ayon sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB.

“Dumating 'yung eroplano natin coming from Thailand is 8:11 a.m., 8.30 a.m. 'yung expected natin na dating niya, kaso napaaga 'yung dating ng eroplano,” pahayag ni Criminal Investigation and Detection Group - National Capital Region (CIDG-NCR) chief Police Colonel John Guiagui sa mga mamamahayag.

“Binasahan natin siya ng Miranda Rights niya. Pinaalam natin 'yung warrant of arrest for inciting to sedition, which was ang nagbigay nito is 'yung sa Quezon City Regional Trial Court 77,” ayon pa sa opisyal.

Ang kaso ay may kaugnayan sa partisipasyon niya sa naganap na protesta sa People Power Monument sa Quezon City noong November 16 at 17, ayon sa dzBB report.

Ayon sa abogado ng retiradong heneral na si Atty. Ferdinand Topacio, nasa P48,000 ang inirekomendang piyansa para sa sedition case.

Dinala si Poquiz sa Camp Crame para iproseso sa kaniyang pagkakaaresto.

Ayon kay Topacio, nilabag ng mga awtoridad ang karapatang pantao ng kaniyang kliyente dahil hindi umano ito pinayagang makipag-usap sa kaniyang mga abogado nang arestuhin.

“So, we will make the people responsible to be held to account. For the violation of the rights of our client,” giit niya.

Ngunit ayon kay Guiagui, huli na nang dumating ang mga abogado dahil napaaga ang dating ng eroplanong sinakyan ni Poquiz.

“Unang-una is sila 'yung wala sa area. Late na sila dumating. Actually, ako nga kanina doon sa liaison officer ni General Poquiz is hinahanap ko 'yung abogado kaso they are not around during that time,” ani Guiagui.

“At kami, andyan na 'yung eroplano, dumating na 'yung si General Poquiz, we have to go up para i-serve 'yung warrant,” dagdag niya.

Sinabi ni Topacio na paraan ng pananakot ng administrasyon ang ginawang pag-aresto kay Poquiz.

“Ito po ay talagang very obvious na tinatakot po ng administrasyon na ito ang kanyang mga kritiko. Ito po ay ginawang sampol si General Poquiz na kapag ikaw ay nagsalita laban sa gobyernong ito, ito ang sasapitin mo,” anang abogado.

“Ikaw ay aarestuhin, hindi ka ipapakausap sa abogado mo, ha-harass ka at magsa-suffer ka pati ang iyong pamilya,” dagdag niya. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News