Nag-unahan ang mga deboto sa paghawak ng lubid at pagsampa sa andas ng Poong Jesus Nazareno sa Traslacion nitong Biyernes na mas maagang sinimulan ngayong taon.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita, sinabing pinipilit ng ilang deboto na sumampa sa andas, sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ng pamunuan ng simbahan na huwag itong gawin. Paraan umano ito ng mga deboto para maramdaman 'yung poon.
Ang iba naman ay hindi na sumasampa sa andas, pero pinipilit na makalapit sa lubid.
Ilang kabataan at kalalakihan ang tila walang pakialam kahit na sumampa na sila sa mga ulo o balikat ng mga kapwa nila deboto.
Isang babae pa ang nakitang nagpumilit na umakyat.
Ayon sa pamunuan, sadyang mahirap na makasampa at dadausdos ang mga deboto dahil sa disenyo ngayon ng andas. Nilagyan din ito ng inobasyon ang andas, na nilagyan ng butas-butas o perforated na pintuan para lumabas po ang moisture o kahalumigmigan.
Sa kabila nito, hindi na kinaya ng salamin ng andas na lumabas ang kahalumigmigan dahil sa napakainit na hinga ng mga deboto, at hindi pumapantay 'ang temperatura sa loob at labas nito.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
