Umakyat na sa tatlo ang nasawi sa pagguho ng tambak ng mga basura sa isang private landfill facility sa Barangay Binaliw, Cebu City habang patuloy ang walang tigil na rescue operation.
Sa ulat ng GMA Regional TV nitong Biyernes, sinabing dakong 6:00 pm nang ihayag ni Mayor Nestor Archival, na 36 ang nakatalang nawawala at dalawa ang kumpirmadong nasawi.
Pagsapit ng 6:35 pm, inihayag ng Bureau of Fire Protection Cebu City na isang katawan ng babae ang nakuha nila.
Dakong 4:45 pm naman kanina nang makuha ang ikalawang labi ng biktima, na 25-anyos na sub-contract engineer ng Prime Waste Solutions, ang kompanyang namamahala sa landfill facility.
Ayon kay Archival, 31 sa mga nawawala ay empleyado ng Prime Waste Solutions, at kawani naman ng isang subcontractor ang iba pa.
Gumuho ang tambak ng mga basura nitong Huwebes ng hapon na tumabon sa isang pasilid na kinaroroonan ng mga biktima. –FRJ GMA Integrated News
