Patay ang isang 48-anyos na lalaki matapos siyang tadtarin ng saksak ng nakaaway niyang mag-ama sa Barangay Kaybuto sa Tanay, Rizal noong Linggo. Giit ng anak na suspek, ang biktima ang may dalang patalim at stick ng banana cue lang ang dala ng kaniyang ama.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Martes, makikita sa video footage na pinagtutulungan ng mga suspek ang biktima sa isang eskinita.
Isa sa mga suspek ang naka-jacket at armado ng patalim habang nakahubad naman ang isa pa. Pinagtutulungan nila ang biktimang nakasumbrero.
Kalaunan, bumagsak sa kalsada ang biktima, pero may sinipa pa siya ng mga suspek. Hanggang sa isang pulis na rumuronda sa lugar ang rumespunde sa insidente.
Dinala sa ospital ang biktima pero idineklara siyang dead on arrival.
Sinabi ng pulisya na nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang 28-anyos na anak na suspek, dalawang araw bago ang insidente.
“Noong nangyari ang pagtatalo, nagsumbong itong anak ng suspek sa kaniyang ama. So itong February 1, nakasalubong nila sa isang kalye itong biktima. At doon na nag-init 'yung father kasi siyempre, inaaway 'yung anak niya, nagkakaroon ng pagtatalo. Doon na sila nagsimulang pagtulungan ‘yung biktima,” sabi ni Police Master Sergeant (PMSg) Danilo Morales Jr., investigator ng Tanay Police.
Magkahiwalay na nadakip ang mag-ama makaraan ang ilang oras.
“Alam naming may sugat din itong suspek. Hinanap namin ito sa mga ospital na malapit dito.
Doon po namin nahuli 'yung unang suspek na ama. Sa follow-up operation, aming naaresto rin naman ang kaniyang anak na suspek sa Pililla, Rizal. May tiyahin siya sa Pililla, Rizal at doon siya nagtago,” ayon kay Morales.
Umamin ang mag-ama sa krimen. Ang 50-anyos na tatay, hindi makapagsalita dahil sa tahi sa kaniyang labi matapos umanong mahiwa ng biktima. May mga saksak din siya sa kili-kili at sa dalawang braso.
Ayon naman sa anak, nakaaway niya ang biktima dahil sa sinuway niyang utos na pagpapakabit ng kadena ng motorsiklo.
“Pinapakabit lang po sa akin, hindi po ako sumunod. Tinadyakan po ako bigla tapos aambahan po ako ng saksak. Nagsumbong po ako sa papa ko. Pinagtanggol po ako ng aking tatay. Napatay niya po,” sabi ng suspek na si alyas “Ulo.”
Ayon kay alyas “Ulo,” may dalang balisong [patalim] ang biktima habang may dalang stick ang kaniyang ama.
“Galit na galit si papa. Nakita niya. Ang dala ni papa po 'yung [stick] lang po. ‘Yung [stick] ng banana cue 'yung matigas. Ako po ay tumulong. Nakikita ko po ang aking tatay siyempre may tama na po,” sabi ni alyas “Ulo.”
Hindi narekober ng pulisya ang mga ginamit na patalim.
Sinabi naman ng kaanak ng biktima na posibleng droga ang ugat ng krimen.
“‘Yan ang mula ng pagkakagulo nila, dahil sa drugs. Basta dahil sa drugs, ‘yan ang puno’t dulo niyan,” sabi ng kaanak ng biktima.
Nakadetine sa custodial facility ng Tanay Municipal Police Station ang mag-amang suspek, na nahaharap sa reklamong murder. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
