Patay ang isang lalaki matapos siyang sagasaan at saksakin ng nakaalitan niyang kapitbahay sa Bayawan, Negros Oriental. Ayon umano sa suspek, ang biktima ang naunang nagbanta na papatayin siya.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nag-away muna ang suspek at biktima noong Sabado.
Sa naturang away, nagbanta umano ang biktima na papatayin nito ang suspek.
Pero kinabukasan ng Linggo, sinagasaan ng suspek ang biktima. Bumaba pa ng sasakyan ang suspek para saksakin sa dibdib ang biktima.
Dead on arrival sa ospital ang biktima, habang nadakip ng mga tauhan ng barangay ang suspek at dinala sa pulisya.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, at ang suspek, na mahaharap sa kasong murder, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News
