Arestado ang dalawang lalaki na nahuli-cam na nambasag ng kotse at tumangay sa bag na naglalaman ng P200,000 na pera sa Novaliches, Quezon City. Ang mastermind, ang pamangkin umano ng may-ari ng kotse.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang pagdating ng magkaangkas sa motorsiklo sa isang nakaparadang kotse sa labas ng isang bahay sa Barangay Kaligayahan.
Ilang saglit pa, binasag na ng angkas ang salamin sa pintuan ng kotse saka may kinuha sa loob.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikita ang mga suspek na pumasok sa subdivision.
Kilala umano ng guwardiya ang nakaangkas sa motor dahil dati itong gumagawa ng bahay doon.
“Ayon po sa guwardiya, kaya niya pinayagan na mag-pass by 'yung dalawa, kung makikita ninyo sa CCTV, walang helmet 'yung isa. Kasi madalas na daw niyang nakikita 'yung labas-pasok sa subdivision. Kaya pinayagan niya na makapasok," sabi ni Police Lieutenant Colonel Gemmer Tubiera, commander ng Pasong Putik Police Station.
Sinabi ng pulisya na natangay ang bag na naglalaman ng isang baril at P200,000.
Nakapag-ulat sa pulisya ang may-ari ng kotse.
“Natutulog po sila, then apparently nakarinig sila ng tunog na malakas. Bumangon sila. Doon nadiscover po nila na basag 'yung pinto ng kotse niya. At ‘yun, nawawala po 'yung kaniyang mga gamit,” sabi pa ni Tubiera.
Nadakip ang 34-anyos na lalaking suspek na siyang nagmaneho ng motorsiklo sa follow-up operation ng pulisya sa Barangay Pasong Tamo.
Itinuro niya ang 29-anyos na lalaking mastermind umano na natuklasang pamangkin ng biktima. Hinuli rin siya ng mga awtoridad.
Hindi na nabawi ang mga ninakaw, bukod sa mga ID ng biktima.
Umamin ang mga suspek sa krimen.
“Sa kagipitan, kahirapan. Kailangan lang ng pera. ‘Yung kasama ko po (nag-utos), ‘yung pamangkin ng may-ari,” sabi ng rider.
“Kailangan ko ng pera. No comment na po ako sir,” sabi ng mastermind na pamangkin.
“Nabaon siya sa utang kaya niya nagawang pagnakawan ‘yung uncle niya,” sabi ni Tubiera.
Sinampahan na ang mga suspek ng reklamong pagnanakaw habang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek, na siyang naka-angkas sa motor. —Jamil Santos/AOLGMA Integrated News
