Patay ang isang aso matapos barilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na kaniyang hinabol sa isang national road sa Ramon, Isabela.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa video footage ang paghabol ng dalawang aso sa motorsiklong dumaan sa national road sa Barangay Abatali.
Maya-maya pa, bumalik ang magkaangkas at binaril ang isa sa dalawang aso, bago sila mabilis na umalis.
Tumagos ang bala ng baril sa katawan ng aso, na ikinamatay nito.
Aminado naman ang amo ng aso na dapat nakatali ang kaniyang mga alagang aso.
Gayunman, sinabi niyang walang dapat manakit ng mga hayop, batay na rin sa Animal Welfare Act.
Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking ng pulisya para makilala ang mga salarin.—Jamil Santos/FRJ GMA News
