Inihayag ng Aurora Police Provincial Office na accidental drowning ang dahilan ng pagkamatay ng mga player ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adil habang nasa isang resort sa Aurora. Sa mga beach, ang rip current ang isa sa mga itinuturong dahilan ng pagkalunod ng biktima. Ano nga ba ito at papaano makaliligtas mula rito?

Sa Explainer ng GMA Newsfeed, sinabing kapag humahampas ang alon sa dalampasigan, naghahanap ang naiipong tubig nang pinakamabilis at pinakamadaling lagusan pabalik ng dagat.

Kaya kapag mas mataas ang hampas ng ilang alon, dumadaloy pababa ang tubig sa pagitan ng mga ito saka aagos pabalik ng dagat, kaya nabubuo ang rip current.

May pagkakataong tumitigil ang rip current sa malapit sa dalampasigan, pero umaabot din minsan ng hanggang ilang metro mula sa shoreline.

Pinakapeligrosong klase ng rip current ang mga nabubuo dahil sa sandbars, dahil kapag tumatama ang tubig dagat dito, lumalaki ang mga alon.

Nag-uugat ang panganib sa pabago-bagong hugis at taas ng sandbar.

Kapag nagkaroon ito ng gap, mas mataas ang alon sa gilid ng siwang, na nagreresulta sa mistulang embudo na mabilis na umaagos ang tubig pabalik sa dagat.

Umaabot ang bilis ng tubig ng hanggang 8 feet per second.

Sinabi ng National Oceanic and Atmospheric Administration na maging ang Olympic swimmers, hindi kayang labanan ang rip current. Kaya naman tinatawag ang mga ito bilang “drowning machines.”

Prone sa rip currents ang Pacific Ocean dahil sa malalaking alon doon at mayaman ang karagatan sa coral reefs, sandbars at mabatong headlands.

Samantala, nakaharap sa Pacific Ocean ang Dipaculao, Aurora kung saan nag-training sina Baterbonia at Adili.

Inilahad ng mga eksperto na may paraan para matukoy ang rip current at maiwasan ang panganib na dulot nito.

Una kapag mas madilim ang kulay ng tubig at tila daanan patungo sa malalim na bahagi ng dagat ang rip current.

Mapapansin din ang rip current sa pagitan ng mga alon kung saan tila patag ang tubig at hindi sumasabay sa paghampas sa dalampasigan.

Epektibong palatandaan ang mga bula o foam, maging ang mga lumulutang na debris na mabilis tinatangay palayo sa pampang.

Kung sakaling aksidenteng mapunta sa rip current, iwasang mag-panic. Huwag ding tangkaing lumangoy pasalubong sa current dahil masyado itong malakas.

Sa halip, lumangoy nang pahalang o parallel sa dalampasigan hanggang makaalis sa rip current.

Kung hindi naman makaalis sa agos, magpalutang-lutang, itaas ang kamay at sumigaw upang humingi ng saklolo. -- FRJ GMA News