Halos isang milyong pisong halaga ng umanoy expired na local at imported goods na binabago ang expiration date, nasabat ng MPD sa isang bodega sa Maynila, limang suspek ang arestado.
Sinalakay ng mga tauhan ng MPD Special Mayor's Reaction Team o SMART and isang bodega sa Quiapo, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.
Tumambad sa mga awtoridad ang samut saring expired na produkto na binabago umano ang expiration date, ayon sa pulisya.
Ilan pa sa naka imbak dito ay mga candy at chocolate na madalas bilhin ng mga bata.
Meron din keso na noon pang 2025 nag expire.
Mayroong mga spaghetti sauce, imported soft drinks at maging mga gamot at vitamins na binabago ang expiration date.
Sa banyo, sinasabing binubura ang mga expiration date ng mga produkto gamit ang ilang kemikal.
Sa isang video, makikita pa ang ilang daga na pagala-gala sa loob mismo ng nasabing bodega.
“pag nakita mo yung lugar, talagang napakarumi at talaga makikita mo yung produktong nabubulok na so talagang hindi na siya for human consumption,” ayong kay Police Lt. Col. Edward Samonte, MPD-SMART chief.
Sabi ng MPA-SMART, isang confidential informant ang nagsumbong sa kanila at agad silang nagsagawa ng operasyon kung saan nahuli ang limang empleyado ng bodega.
“Yung dalawang babae, lumalabas na sila yung mga nagtitinda,” ayon kay Samonte.
“Yung mga lalaki, yung dalawa dun, sinasabing kargador at yung isa, taga bura at siya rin yung taga tamper ng mga produktong sinasabi natin expired na,” dagdag niya.
Tinatayang aabot sa isang milyong piso ang haag ng umanoy expired na food products ang nasabat sa operasyon.
Nakuha rin sa loob ng bodega ang tatlong portable printer na ginagamit para mabago ang expiration date.
Sabi ng MPD-SMART, patuloy silang nag-iimbestiga para mahanap ang may-ari ng nasabing bodega na pinangalanan na rin ni Manila Mayor Isko Moreno.
“We will make sure na may gobyerno sa Maynila, and its a matter of time so sa pamilya ni Marivic Jaime, isuko niyo na yung nanay niyo, o kay Samonte, bago pa mahuli ang lahat kasi ito ay bagay na binibigyan namin ng matinding atensyon, dahil kalusugan ng mga bata, tao na kakain nito,” ayon kay Moreno.
Sa kabila ng nangyari, nilinaw naman ng tindahan na ito sa Quiapo na hindi naman lahat ng nagtitinda ng ganito ay expired ang produkto dahil hindi naman sila pare-pareho ng supplier.
Ipinakita rin nila ang kanilang mga permit at mga resibo na nagpapatunay daw na malinis at maayos ang kanilang paninda.
“Meron po kaming direct supplier and lahat po ng paninda namin ay mayroong resibo kung saan nanggaling ito at kaya rin po namin ipakita sa inyo yung mga expiration,” ayon kay Marlon Custodio, tindero ng imported goods sa Quiapo.
Nasa kustodiya na ng MPD-SMART ang limang naaresto na tumangging magbigay ng pahayag.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Consumer Act of the Philippines at Food Safety Act of 2013.
Nakikipag-ugnayan ang MPD sa Department of Public Services ng Maynila para sa maayos na disposal ng mga nasabat na expired na food products. — BAP GMA News

