Sumuko sa pulisya at dinala si Senador Rodante Marcoleta sa Camp Crame ngayong Lunes ng umaga matapos na maglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong plunder o pandarambong na nagkakahalaga ng P75 milyon.
Nagtungo rin sa Sandiganbayan sina Interior Secretary Jonvic Remulla at Criminal Investigation and Detection Group chief na si Police Major General Robert Alexander Morico II.
Isinakay si Marcoleta sa isang coaster bus ng Philippine National Police (PNP), na nagdala sa kaniya sa tanggapan ng CIDG upang sumailalim sa booking process.
Sa panayam sa mga mamamahayag bago umalis sa Sandiganbayan, sinabi ng senador na inaasahan na niya ang paglalabas ng warrant of arrest at handa siyang harapin ito.
“‘Pagpunta ko rito, inaasahan ko na lahat ang mga prosesong gagawin ng korte. Kagaya ng sinabi ko sa inyo, ako ay hindi magtatago, haharapin ko ang batas, ang asunto, sang ayon sa pagkakaintindi ko sa mga batas natin,” sabi ni Marcoleta.
“Kaya kailangan pong dumaan ng proseso, kasama na po ‘yung pagpunta ko rito, ‘yung hangarin ko na kung i-serve po nila ‘yung warrant of arrest, tatanggapin ko po ‘yun,” dagdag niya.
𝗠𝗔𝗥𝗖𝗢𝗟𝗘𝗧𝗔, 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗔𝗟𝗜𝗦 𝗡𝗔 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡𝗗𝗜𝗚𝗔𝗡𝗕𝗔𝗬𝗔𝗡
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 6, 2026
Sa gitna ng sitwasyon, napa-flying kiss pa si Sen. Rodante Marcoleta habang sakay ng coaster ng Pambansang Pulisya paalis ng Sandiganbayan.
Iginiit ni Marcoleta na siya ay sumuko sa Sandiganbayan. pic.twitter.com/orcVaiAs4J
Bago nito, nagtungo si Marcoleta sa Sandiganbayan Third Division upang dumalo sa pagdinig ng kaniyang kaso na isinampa ng Ombudsman. Ang kaso ay may kaugnayan sa hindi niya idineklarang donasyon na nakuha noong panahon ng kampanya para sa kaniyang kandidatura bilang senador noong 2025 elections.
Naghain si Marcoleta ng ilang mosyon, ngunit nagpasya na ang Sandiganbayan na may sapat na batayan (probable cause) upang ituloy ang kaso kaya inilabas ang warrant of arrest laban sa kaniya.— Giselle Ombay/FRJ GMA News

