Patay ang isang 17-anyos na estudyante nang magkaroon siya ng leptospirosis matapos siyang makagat ng daga sa paa at maligo sa baha sa Navotas.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nagluluksa ang mag-asawang Leilani at Allan Espinosa sa pagpanaw ng kanilang anak na si Justin Espinosa, apat na araw bago ang ika-18 kaarawan nito.

Ikinuwento ni Leilani na nakagat ng daga sa paa ang kaniyang anak.

Makaraan ang dalawang linggo, naligo pa si Justin at mga kaibigan sa baha sa Navotas.

Kalaunan, nakaranas si Justin ng mga sintomas ng leptospirosis tulad ng mataas na lagnat at rashes.

“Tapos kinabukasan po ‘yun, nilalagnat na po siya. Nanghihina po 'yung katawan niya. Dinala po namin siya sa Navotas Hospital. 'Yung doktor po na nakausap namin, tingin pa lang po, alam na nila na leptos po,” sabi ni Leilani.

“Nabigla rin kami sa pangyayari sa kaniya ngayon. Hindi namin akalain na aabot sa sakit niya. Dalawang araw lang bumigay na siya,” sabi ni Allan.

Batay sa datos ng Department of Health hanggang nitong Agosto 8, naitala ang 3,440 na leptospirosis cases, na unang linggo matapos magsimulang umulan dahil sa Bagyong Maymay.

Mas mababa ang datos ng 35% kumpara sa naitalang mga kaso sa katulad na panahon noong 2025.

Gayunman, inaasahang tataas pa ang bilang na ito sa mga susunod na araw.

“With the frequent heavy rain and habagat at mga bagyo, tataas pa ang ating leptospirosis [cases],” sabi ni Dr. Iftizar Haron, Chief Medical Professional Staff, San Lazaro Hospital.

Nagpayo ang DOH na kung lumusong sa baha, magpakonsulta muna dahil hindi puwedeng uminom ang lahat ng doxycycline.

Siniguro naman ang kagawaran na operasyonal at sapat ang supply sa kanilang mga pasilidad.

Nakahanda ang 3.1 million capsules ng doxycycline sa Central Office ng DOH pati sa 17 Centers for Health Development na sapat para sa pangangailangan ng mga ospital at LGU. —Jamil Santos/VBL GMA News