Binawi ni Orly Guteza, isang dating sundalo at dating security aide ng dating mambabatas na si Zaldy Co, ang kaniyang naunang pahayag na naghatid siya ng mga maleta na puno ng pera kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Ayon sa eksklusibong ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing gumawa si Guteza ng panibagong affidavit na nagsasaad na inutusan umano siya ni Senador Rodante Marcoleta at dating kongresista na si Mike Defensor, na gumawa ng mga paratang laban Romualdez.

Kapalit umano ng mga ginawa niyang paratang ay pera at scholarships para sa kanyang mga anak.

Inihayag pa ni Guteza, na sinabihan siya noon na pumunta sa isang Japanese restaurant malapit sa Senado kung saan naghihintay sa kaniya ang isang nakahandang affidavit. Ang draft umano ay ginawa ng manugang ni Defensor na si “Mark.”

“Sinimulan na ni Senator Marcoleta basahin ang ginawa ni Mark na affidavit base sa sinabi ni
former Cong. Mike Defensor. Sabi niya, ‘Pare, ayusin ko ang Tagalog.’ Doon mismo sa harapan ko," ani Guteza.

"Inaayos ni Senator Marcoleta ang affidavit na iyon, at sabi ni former congressman Mike Defensor, si Mark kasi ‘di marunong mag-Tagalog,” dagdag niya.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig nina Defensor at Marcoleta at ia-update ang ulat kapag nakapagbigay na sila ng kanilang komento.

Parehong nakadetine sina Defensor at Marcoleta sa Qezon City Jail sa Payatas, QC., kaugnay sa kinakaharap nila kaso na plunder at indirect bribery dahil sa donasyon na pangampanya sa eleksyon.

Ang video ni Guteza ay ibinigay sa GMA News ni Atty. Melvin Calimag, ang bagong abogado na nagnotaryo sa affidavit ng dating sundalo.

Sinabi ni Guteza na narinig niya umano sina Defensor at Marcoleta na pinag-uusapan ang P150 milyon na sinabing makapagpapasaya sa kanila. Pinag-usapan din umano nila ang paghahanda ng affidavit na sinabi na missing link upang maiugnay si Romualdez sa usapin ng pondo sa flood control projects.

“Ako ay napilitanan sabihin para sa kanya, ‘sige po sir’, kung ito ang paraan makatulong ako. Kaya lang inalala ko pag-aaral ng anak ko, nag-promise ng cash at education scholarship si former congressman Mike Defensor,” ani Guteza.

Noong Setyembre 25, 2025, naging surprise witness si Guteza sa Senate Blue Ribbon Committee na nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa flood control projects.

Si Marcoleta pa ang tumatayong chairman ng komite nang panahong iyon.

Sinabi niya noon na isa siyang security aide ni Co at kabilang umano sa isang grupo na naghahatid ng mga maleta na puno ng pera kay Romualdez.

Sa bago niyang pahayag, sinabi ni Guteza na isinantabi umano siya ni Marcoleta bago ang pagdinig sa Senado, at sinabihang huwag lumihis sa nilalaman ng affidavit. Nang magdagdag siya ng sariling mga salita sa halip na sundin ang script, pinagalitan umano siya ni Marcoleta.

Pagkatapos ng pagdinig, sinabi ni Guteza na hindi na niya muling nakipag-ugnayan kay Marcoleta. Sa puntong iyon, napagtanto umano niya na ginamit lamang siya.

Nagsisisi umano si Guteza sa kaniyang ginawa.

“Kinakausap ko ang misis ko na nanghihingi ako ng kapatawaran. Kasi nadala ako sa matatamis na salitang pangako nina former Congressman Mike Defensor at Senador Marcoleta kaya ako nagpagamit ng husto,” ani Guteza.

Bahagi ng mga ebidensiyang sinusuri ng Ombudsman ang pahayag na binawi ni Guteza kaugnay ng mga kaso ng katiwalian na inihahalan laban kay Romualdez.

Sinabi ng Office of the Ombudsman na hinihintay pa nila ang bagong affidavit bago magbigay ng komento.

Bukod kay Guteza, apat pang dating security aides ni Co ang bumawi sa kanilang mga pahayag na nag-uugnay kay Romualdez at iba pang personalidad sa umano’y anomalya sa mga proyekto ng flood control.–Jean Mangaluz/FRJ GMA News