Nabalot ng tensyon at nabulabog ang isang barangay sa Pasay City nang madamay sa gulo ang ilang residente na nagsimula sa away ng magpinsan na nauwi sa batuhan. Ang isang residente, naglabas pa ng tila espada.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang video footage habang nagkakagulo ang mga residente ng Barangay 137 sa nabanggit na lungsod.
Nagsimula umano ang gulo dahil sa away ng magpinsan na sina Franz at Arvin Manatad, na nagbatuhan hanggang sa bata na tinamaan ng basag na bote at doon na rin nakisali sa init ng ulo ang isang pang lalaki.
Pero imbes na mag-sorry ang magpinsang nagsimula umano ng gulo, muli raw nambato ang mga ito at lalo pang tumindi ang tensyon nang batuhin na rin ng mga residente ang bahay ng magpinsan.
Maging ang kapitan ng barangay na nakiawat sa gulo, pinag-initan din umano ng magpinsan.
Natigil lang ang batuhan na tumagal nang ilang minuto nang dumating ang mga hindi nakaunipormeng pulis na kumausap sa magpinsan.
Ang ina ng isa sa nagpasimula ng gulo, aminadong pasaway ang kaniyang anak.
Sa huli, napagkasunduan na palayuin muna ang magpinsan sa kanilang lugar para maiwasan ang gulo sa barangay. -- FRJ, GMA News
