Maliban sa pagtataas sa monthly contribution rate ng mga miyembro ng Social Security System (SSS), nais ding baguhin ang sistema sa hatian sa pagbabayad ng kontribusyon ng mga employer at employee.

Mula sa 11 porsiyento, itataas sa 14 porsiyento ang maximum monthly contribution rate, habang nais namang gawing 50-50 ang hatian ng mga empleyado at kanilang kompanya.

“We are in the process of consultation po with the employers, with employers association, para ma-determine natin ano ang magiging reasonable sharing between the employees and employers,” sabi ni SSS chairman Amado Valdez sa panayam ng GMA News’ “Unang Hirit” nitong Martes.

Sa kasalukuyang sistema ng hatian, 3.63 porsiyento ang galing sa mga kawani habang 7.37 porsiyento ang mula sa employer.

Sinabi ni Valdez na planong ipatupad sa Abril ang taas sa kontribusyon at 50-50 sharing scheme ang naiisip nila.

“This is to ease the burden on the part of the employers since the whole concept of SSS contributions is for the long-term savings of employees,” ayon sa opisyal.

Sa hiwalay na panayam ng GMA News Online, sinabi ni Valdez na, "The advantage is on the employee ... kasi, in the current sharing, the employer is paying more for their employees’ premium.”

Ginawa ang pagtataas sa kontribusyon sa SSS dahil na rin sa pagtataas sa P1,000 sa monthly pension ng mga retiradong miyembro noong nakaraang taon, at panibagong dagdag na P1,000 sa 2022.

Unang binalak na ipatupad ang pagtataas sa kontribusyon ng SSS noong Mayo 2017 pero ipinagpaliban para maisabay sa bagong tax reform law. —FRJ, GMA News