Patay ang dalawang lalaki sa magkasunod na insidente ng pamamaril sa magkahiwalay na computer shops sa Caloocan City. Ang dalawa, parehong binaril sa kanilang kinauupuan.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing dakong 7:00 p.m. nitong Linggo nang barilin sa computer shop habang naglalaro si Jimbelle Mimay, 27-anyos, sa Barangay 176 sa Bagong Silang sa Caloocan.
Sinabi ng mga nakakita na riding-in-tandem ang bumaril sa biktima.
Ayon sa ina ng biktima, papunta siya sa outpost nang may narinig siyang putok na inakala niyang paputok lang. Ilang saglit pa, may nagsabi na sa kaniya na pinatay ang kaniyang anak at nakita niyang nakahandusay na.
May nakapagsabi umano sa ina ng biktima na baka may nakaaway sa pustahan sa computer game ang anak.
Pahayag naman ng isang residente, may nakapagsabi na hapon pa lang bago mangyari ang krimen ay may nakita na umanong tao na sumisilip at tila inaalam kung sino yung mga naglalaro sa computer shop.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, walang maramang record sa lugar ang biktima.
Pagsapit naman ng 9:30 p.m., si Bryan Baluran, 24-anyos, ang binaril habang naglalaro sa isa pang computer shop sa nasabi ring barangay.
Sa kuha ng CCTV sa loob ng shop, makikita ang pagpasok ng isang lalaki na naka-cap at at jacket na lumapit kay Baluran na abala sa computer at malapitang binaril sa ulo.
Bago umalis, tila binaril pa muli ng salarin ang biktima na kaagad namatay.
Walang maisip na dahilan ang mga kaanak ng biktima para patayin. Wala rin daw masamang record sa barangay si Baluran.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa mga nangyaring pamamaril. -- FRJ, GMA News
