Patay ang isang taong gulang na bata matapos siyang magulungan ng isang truck sa Barangay Balingasa, Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa 24 Oras nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Hadsman Angilan.
Kwento ng mga kamag-anak ni Angilan, naglalaro lamang daw ito sa gilid ng kalye ng A. Bonifacio nang mangyari ang insidente.
"Imposible naman pong di niya mapansin kasi maraming mga bata... Dapat bago siya umalis, tiningnan niya," sabi ni Sara Asan, kaanak ng biktima.
Mahigit isang buwan na rin daw silang nakatira sa gilid ng kalsada subalit hindi nila magawang umalis sa lugar dahil wala umano silang lilipatan.
Ayon sa mga awtoridad, magdadalawang oras daw na nakaparada ang truck, na kulay dilaw o kahel ang harapan, sa lugar.
"Maaaring 'yung sa harapan, mataas 'yung truck. Nagtakbo 'yung bata sa harapan, pag-abante niya, di niya napansin nagulungan 'yung bata," sabi ni Senior Police Officer 4 Jeanmar Bumanglag ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5.
Mabilis namang nakaalis ang truck kaya't hindi nakuha ng mga residente ang plaka nito.
Kasalukuyang naghahanap ang mga awtoridad ng CCTV sa lugar upang matukoy ang driver ng nasabing truck. Maaari siyang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. —NB, GMA News
