Patay ang isang bata matapos magulungan masagasaan ng trak habang naglalaro sa may gilid ng kalsada sa Barangay Balingasa, Quezon City nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat sa Unang Balita nitong Lunes, nakilala ang bata na si Hadsman Angilan, isang taong-gulang.
Naglalaro ang bata sa gilid ng A. Bonifacio Avenue nang mahagip ng trak sa ulo.
Ayon sa tiyahin ng bata na si Sara Asan, hindi nila nakita ang pangyayari pero may nakarinig na mistulang putok ng lobo malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Ilang saglit matapos marinig ang parang putok ng lobo, nalaman ng pamilya ng bata na nasagasaan ito.
Ayon sa pulisya, malamang na talagang tumakas ang drayber ng trak pero may posibilidad din umanong hindi napansin ng drayber ang aksidente.
Lagpas isang buwan nang naninirahan ang pamilya ng bata sa gilid ng kalsada sa A. Bonifacio Avenue.
Sinabi ni Asan na galing silang Pampanga at pumuntang Maynila matapos ma-demolish ang kanilang bahay.
Hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng drayber ng trak dahil wala ring nakakita ng plaka ng sasakyan. —ALG/KG, GMA News
